Thursday, December 30, 2010

Isang Munting Liwanag

Tila isa siyang ibon na nagnanais makawala sa hawla...

Ngunit paano? Hindi niya magawa. Hindi siya mabigyan ng pagkakataon. Nagmamakaawa man pero walang makarinig, walang nakakapansin, at marahil wala rin makakaintindi sa mga pinagdadaanan niya. Isa siyang ibon. Ibon na nilikha upang makalipad ng malaya. Ibon na nilikha upang matanaw at masaliksik ang mundong napakalawak. Araw-gabi dumadaloy ang mga luha sa kanyang mga mata na walang sinumang nakakapansin. Diyos na lamang ang kanyang nakakapitan sa mga oras na iyon.

Sunod-sunod ang mga pangyayaring di niya inaasahan; mga pangyayaring di kanais-nais kahit nasa loob na siya ng kulungan. Magsisimula ang buhay pagsikat ng araw sa isang umagang di kay ganda. Konting twist sa gitna, at pagsapit ng gabi, wala paring pinagkaiba. O kaya nama'y maganda sa simula at pangit ang katapusan o kabaligtaran. Siguro sadyang kakaiba lang talaga ang istilo kung papaano isinulat at iginuhit ng tadhana ang buhay niya. Maraming twists and turns kaya lalo lang siyang naguguluhan. Ngunit alam niyang wala siyang karapatang magreklamo.


Maliban sa Diyos, isang tao lang ang alam niyang makakapitan niya. Alam niyang mailalabas niya ang lahat ng saloobin niya at pagkatapos, makikitaan siya muli ng ngiti sa mukha. Ngunit hindi rin sa lahat ng oras ay may maaasahan siya. Sa isang di inaasahang kaganapan, wala lang; naisipan niyang wala talagang mangyayari sa buhay niya kung patuloy lang siya sa paghihintay na maging maayos ang lahat. Nakakita siya ng liwanag sa kadiliman. Wala naman talagang mangyayari kung siya mismo ay hindi gagawa ng paraan. Buhay niya iyon. Siya lamang ang may kakayahang gumuhit ng kanyang magiging kapalaran. Dapat lang na maging malakas siya. Patuloy lang ang pag-agos ng buhay.


Malalim ang kanyang iniisip; sinusuri ang bawat anggulo ng buhay. Marahil pagsubok lamang iyon ng Diyos para sa kanya upang malaman kung gaano siya katatag; kung gaano siya katibay; kung gaano siya kalakas upang malagpasan ang lahat ng iyon. Nagising siya sa katotohanan na nasa loob parin siya ng kulungan ngunit alam niya na may magagawa siya. Hindi man madali pero alam niyang kaya niya. Hindi man madali pero alam niyang makukuha niya ang ninanais ng puso niya. Hindi man ito ang tamang panahon at oras, pero alam niyang darating din iyon...malapit na.


Isa siyang ibon. Ibon na nilikha upang makalipad ng malaya patungo sa tamang paroroonan. Bukas ay isa nanamang panibagong yugto ng kanyang buhay. Bagong taon. Bagong buhay. Bagong Siya. :)